Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa umano'y kumakalat na pekeng paracetamol na ginagamit ang balot ng brand na Biogesic.
Sa isang advisory na may petsang Marso 16, inilista ng FDA ang ilang pagkakaiba ng tunay at pekeng paracetamol, partikular na sa kulay, itsura ng print, at pattern sa disenyo ng mga tableta.
Lumabas sa pag-aaral ng FDA kasama ng Marketing Authorization Holder at Unilab Laboratories na may panganib na dulot sa kalusugan ang mga pekeng Biogesic na kumakalat.
Paalala ng FDA sa publiko, maging mapanuri at bumili lamang sa mga establisimyentong lisensiyado ng ahensiya. Binigyang-diin din ng FDA na may bago nang disenyo ang mga tableta ng Biogesic.
Nagbabala rin ang FDA sa mga magbebenta ng pekeng paracetamol na mapapatawan sila ng kaukulang parusa dahil paglabag ito sa Special Law on Counterfeit Drugs.
Maaaring makipag-ugnayan sa FDA sa numerong (02) 809-5596 para iulat ang mga nagbebenta ng pekeng paracetamol.