KORONADAL CITY- Trending ngayon sa social media ang profile picture ni Christopher Dahn Saliendra, graduating student ng Notre Dame of Marbel University sa kursong Bachelor in Secondary Education major in Mathematics.
Wala siyang award at walang anumang recognition, pero bumuhos ang mga papuri sa kanya ng netizens dahil sa kanyang graduation picture na may hawak na walis tambo habang naka-toga. Naging working student kasi sya at naging kasangkapan nya sa pagtapos ang walis.
“Noong una for humor lang, kasi naka-private yung picture, then may nag-chat sa akin na kung pwede i-public ko na lang daw kasi parang inspiring sya,” kwento ni Saliendra.
Ayon nga sa kanyang mga kabarkadang sina Farrah Lucero at Jhoanne Jaro, talagang kalog si Dahn, at nagulat din sila nang magtrending ang litrato nito.
Tubong Lucban, Quezon si Saliendra na pang-apat sa limang magkakapatid. Nang magtapos siya ng high school, nawili sya sa pagbabanda bilang gitarista, bokalista, at drummer. Nagtrabaho din bilang mananahi, kaya tatlong taong hindi nag-aral.
Noong 2011, inalok sya ng kaniyang tiyahin na mag-aral at maging working student sa Koronadal.
Sa unang taon, nasa janitorial services siya ng unibersidad hanggang sa nalipat bilang office personnel, pero naglilinis pa rin ng opisina.
Ayon kay Saliendra, posibleng maraming nakarelate sa hawak nyiang walis na naging daan para makapagtapos siya ng pag-aaral.
Tumagal siya ng anim na taon sa kolehiyo, dahil 18 hanggang 21 units lang ang full load niya. Aniya, hindi lang siya bumitiw sa pag-aaral.
“This school year, ayun dumating na. Tiningnan ko muna yung grade ko bago ko pinost yung profile picture para sigurado. Ayun, gi-announce ko na. Ga-graduate na ako," ani Saliendra.
Sa Marso 25 magmamartsa si Saliendra.
Darating ang kanyang mga magulang at kuya para dumalo sa kanyang graduation.
Pinaplano na rin niyang mag-review para sa licensure exam for teachers, at umaasa siyang nakapagbigay siya ng inspirasyon sa libu-libong working students na nagsusumikap na makapagtapos din ng pag-aaral.
Pumalo na ngayon sa halos 140,000 reactions, na may halos 9,000 comments, at higit 21,000 shares ang retrato ni Saliendra.
credit to: abs-cbn
credit to: abs-cbn
No comments:
Post a Comment